Kasong ‘no bail’ ang kinakaharap ngayon ng dalawang kagawad, Executive Officer at dalawang tanod ng isang barangay sa Sampaloc, Manila na nagkulong sa isang delivery rider na may nakasalamuha na isang positive COVID-19 patient.
Ito’y makaraang makitaan ng probable cause ng Office of the City Prosecutor ang kasong isinampa ni Police Major Rosalino Ibay, Hepe ng Special Mayor’s Reaction Team ng Manila Police District (SMaRT-MPD), laban sa mga ito.
Sa ipinalabas na Inquest Disposition/Resolution ay nakitaan ng probable cause ang kasong Violation of City Ordinance 8624 at Violation of Art. 267 ng Revised Penal Code na isinampa laban kina Brgy. Kagawad Bobby Biason, Brgy. Kagawad Marvin Simbahan, Executive Officer Ferdinand Gatdula, Brgy. Tanod Epifanio Rempis at Brgy. Tanod Jesus Dela Cruz na kasalukuyang pinaghahanap.
Inirerekomenda rin ng Office of the City Prosecutor ang pagsasampa ng kasong paglabag sa Art. 267 ng Revised Penal Code o Serious Illegal Detention.
Matatandaan na inaresto ang mga suspek nang humingi ng tulong ang isang Jordan So sa tanggapan ng MPD-SMaRT para pasaklolohan ang kanyang kaibigan na hinihinalang may COVID-19 na kinulong ng mga suspek, at kasama sa nakulong sa bahay ay ang asawa at apat na menor de edad.
Nabatid na higit pa umano sa dalawang linggo ang ginawang pagkakakulong sa mga biktima.
Samantala, labis din ikinalungkot ni Manila Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso ang pangyayari lalo na’t sa ilalim ng ‘Anti-COVID Discrimination Ordinance of 2020’ na siyang kaunahan sa bansa ay may layuning wakasan ang mga diskriminasyon kontra sa health frontliners, pasyente na may coronavirus, mga gumaling sa sakit at mga mino-monitor na pasyente dahil sa hinihinalang virus.