Bata, patay matapos pilitin ng magulang na uminom ng maraming tubig

(Depositphotos)

COLORAD0, US – Humaharap sa kasong murder ang isang mag-asawa dahil sa pagkamatay ng kanilang 11-anyos na anak na lalaki matapos nilang piliting uminom ng maraming tubig.

Sa report ng Colorado Springs Gazette, sumuko sa pulisya ang mag-asawang Ryan Sabin, 41, at Tara Sabin, 42, noong Martes ng gabi matapos bawian ng buhay ang kanilang anak.

Marso 11 daw nang matagpuan ng awtoridad ang biktimang si Zachary Sabin na maliban sa suot na diaper na puno umano ng ihi ay nakitaan daw ng mga pasa sa buong katawan.


Ayon sa ulat, kumpirmadong pisikal na inaabuso si Zachary ng mismong mga magulang.

Napagtibay din ng pulisya sa pamamagitan ng autopsy result na nasawi ang biktima sa pagkalango sa tubig dahil sa sapilitang pagpapainom ng mga suspek.

Pilit daw na pinaiinom ng apat na 24-oz bote ng tubig ang bata ng walang anumang laman ang tiyan sa loob ng apat na oras.

Nagsimulang magsuka, manakit ang mga binti at hindi na makapagsalita hanggang sa tuluyan nang inantok ang bata bago maidala sa higaan.

Bandang 6:15 am nang matagpuan ng tatay na puro dugo ang higaan ng anak ay agad daw siyang humingi ng tulong sa awtoridad ngunit kalaunan ay binawian din ito ng buhay.

Samantala, iginigiit naman ng stepmother ng biktima na kinailangan nila umanong painumin ang bata ng hindi bababa sa dalawang 32-oz ng tubig araw-araw simula nang makita nilang maitim ang kulay ng ihi nito.

Masyado raw nagiging maarte ang kanilang anak kapag nagrereklamo umano ito sa pagpapainom nila ng tubig.

Sinusuka lang daw nito ang tubig kahit pa mabagal lang ang kanyang pag-inom.

Nahaharap sa first-degree murder at child abuse resulting in death ang dalawa matapos silang sumuko sa pulisya.

Facebook Comments