Nagsasagawa na ng balasahan ang Bureau of Immigration (BI) sa mga opisyal nito kaugnay sa isyu ng human trafficking ng mga Pilipino sa Myanmar, para maging crypto scammers.
Ayon kay Immigration Deputy Spokesperson Melvin Mabulac, maliban sa re-shuffle ng mga opisyal ay kumikilos na rin ang inter-agency task force ng ahensya sa ilalim ng kampanya laban sa human trafficking.
Matatandaang lumabas sa pagdinig ng Senado na inire-recruit ang ilang mga Pinoy sa Thailand bilang call center agent, pero kalauna’y dadalhin pala sila sa Myanmar para magtrabaho bilang scammer sa ilalim ng isang Chinese syndicate.
Bagama’t wala pang pinaghihinalaang suspek ang BI, ay tiniyak nitong makikipag-ugnayan sila sa Senado para magsagawa ng imbestigasyon.
Nauna nang iniutos ni Immigration Commissioner Norman Tansingco ang agarang imbestigasyon hinggil sa napaulat na pagpupuslit ng mga Pinoy sa Myanmar.