Manila, Philippines – Pinakakasuhan ni Bayan Muna Rep. Carlos Zarate ang mga nasa likod ng maintenance contract ng Busan Universal Rail Inc. o BURI.
Ito ay matapos padalhan ng notice of termination ng DOTR ang BURI na siyang maintenance provider ng MRT3.
Hiniling ni Zarate na sampahan ng kaso ang mga opisyal ng BURI dahil sa kapabayaan at sa madalas na palpak na operasyon ng MRT.
Pinahahabol din ni Zarate sa DOTr at sa gobyerno ang mga dating opisyal ng DOTC sa ilalim noon ng nakaraang Aquino administration na nagpasok ng kontrata ng MRT sa BURI at sa iba pang anomalyang kinasangkutan patungkol sa mass transport.
Ipinasasalo naman ng kongresista sa DOTr ang maintenance at operation ng MRT upang matiyak na hindi na mauulit ang mga kapalpakan at maayos na maseserbisyuhan ang mga commuters.