Mga opisyal ng construction company na kasama sa kasunduan para sa 2025 elections, ipapatawag ng Senado

 

Ipatatawag sa susunod na pagdinig ng Senate Committee on Electoral Reforms ang St. Timothy Construction Corporation, ang kompanya na kabilang sa nanalo ng kontrata para sa kukuning bagong automated election system para sa 2025 midterm elections.

Ang St. Timothy ay isa sa Filipino corporations na sumama sa joint venture ng Miru Systems Company Limited, isang Korean company, na magsusuplay ng new system ng bagong automated counting machines.

Bigo kasi ang kompanya na magpadala ng kinatawan na makasasagot sa mga katanungan ng mga senador partikular sa mga bibilhing makina at iba pang paghahanda para sa halalan sa susunod na taon.


Nauna rito ay kinwestyon ni Senate Minority Leader Koko Pimentel ang St. Timothy kung papaanong ang isang construction company ay kasama sa preperasyon ng election system.

Tugon naman ni Ernani Lim, ipinadalang kinatawan ng St. Timothy, mayroon kasing pinansyal na kakayahan ang kompanya para pondohan ang kontrata sa 2025 automated election system.

Magkagayunman ay iginiit ng mga senador na walang sapat na otoridad si Lim na magsalita para sa kompanya at sagutin ang kanilang mga katanungan dahilan kaya ipapatawag ang mga opisyal ng St. Timothy.

Facebook Comments