Mga opisyal ng gobyerno, inoobligang sumakay sa public transport

Manila, Philippines – Oobligahin ngayon ang mga opisyal ng gobyerno na sumakay sa mga pampublikong sasakyan para maranasan ng mga ito ang araw-araw na hirap sa pagbyahe na nararanasan ng mga commuters.

Sa House Bill 6195 o Public Servants Commuting via Public Transport Act na inihain ni AANGAT TAYO PL Rep. Neil Abayon, iginiit nito na ang public service ay maipapakita sa pamamagitan ng empathy at compassion sa pagsisilbi sa publiko.

Ang pagsakay sa mga sasakyang pampubliko paminsan-minsan ay isang paraan para maramdaman ng mga government officials ang hirap ng taumbayan at para makaisip ng epektibong paraan paano masosolusyunan ang traffic sa Metro Manila.


Sa ilalim ng panukala, required ang mga halal at appointed na opisyal sa national at lokal na posisyon kasama pati ang mga department secretary na sumakay sa pampublikong sasakyan, mapa tren man, jeep, bus, taxi o tricycle pa ito.

Iniuutos pa ng panukala na dapat isang beses sa loob ng isang buwan ay gumamit ng public transport ang mga public officials at makipagsabayan pa sa rush hours.

Pero may limitasyon naman ang panukala sa mga government officials na may seryosong medical condition, may kapansanan at kung may security threat lalo na sa Pangulo, Pangalawang Pangulo at Chief Justice ng Korte Suprema.

Facebook Comments