Mga opisyal ng gobyerno, maaaring mag-walk out sakaling nabastos sila sa Senate inquiry – Palace

Maaaring umalis ang mga opisyal ng gobyerno sa mga isinasagawang pagdinig ng Senado ukol sa vaccination program kapag sila ay hindi ginalang ng mga mambabatas.

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, pinapayagan ni Pangulong Duterte si Vaccine Czar Carlito Galvez Jr. at iba pang opisyal na dumalo sa Senate Hearing pero hindi nila hahayaang mabastos ang mga ito mula sa mga mambabatas.

Sakaling ma-contempt o ma-detain ang sinumang government official, mismong si Pangulong Duterte na ang tutungo sa Senado para kunin sila.


Patunay rin aniya na ang pagdalo ng mga government officials sa Senate hearing ay wala silang tinatago.

Sinabi rin ni Roque na nakiusap si Galvez kay Pangulong Duterte kung maaari siyang hindi sumipot sa pagdinig para maasikaso ang vaccine negotiations.

Aniya, nasa dalawang linggong negosasyon ang nawala kay Galvez dahil kailangan niyang pumunta ng pagdinig.

Gayumpaman, pinayuhan ng Pangulo si Galvez na dumalo sa Senado.

Bukod kay Galvez, si Health Secretary Francisco Duque III ay inaasahang dadalo rin sa pagdinig ng Senado bukas, January 22.

Facebook Comments