Nagbanta si Pangulong Rodrigo Duterte na sisibakin ang mga opisyal ng gobyerno na hindi kumilos para agad na maibigay ang financial assistance sa 32 health workers na nasawi habang nakikipaglaban ang bansa sa COVID-19.
Sa kanyang public address kaninang umaga, kinuwestiyon ni Pangulong Duterte ang kanyang mga gabinete kung bakit hangang ngayon ay wala pa ring Implementing Rules and Regulations sa isang probisyon ng Bayanihan to Heal as One Act na magbibigay ng cash assistance sa mga pamilya ng health workers na nasawi habang ginagampanan ang kanilang trabaho.
Ayon sa Pangulo, dismayado siya sa mabagal na pagkilos ng ahensiya ng gobyerno na dapat na tumututok sa naturang programa.
Binigyan diin ni Duterte na kung hindi kumilos ay matarapat na lang na sibakin sila sa pwesto dahil sayang lang ang ipinapasweldo sa kanila ng taongbayan.
Una ng nadismaya ang ilang senador matapos na malamang wala pa ni isang health worker na apektado ng COVID-19 ang nakatanggap na ng kanilang sickness at death benefit na siyang nakasaad sa Bayanihan to Heal as One Act.
Batay sa datos ng Department of Health (DOH), nasa 2,703 na ang bilang ng healthcare workers na may COVID-19.
1,465 rito ang nakarekober na habang nananatili sa 32 ang namatay.