Mga opisyal ng gobyerno, pagpapaliwanagin kaugnay sa problema sa NAIA

Manila, Philippines – Ikinakasa na ni Committee on Public Services Chairperson Senator Grace Poe ang imbestigasyon ukol sa pagkaparalisa ng operasyon ng Ninoy Aquino International Airport o NAIA matapos sumadsad ang isang Chinese passenger aircraft noon pang Huwebes ng gabi.

Inihain ngayon ni Senator Poe ang Senate Resolution Number 852 para sa gagawing pagdinig kung saan pangunahing ipapatawag sina Transportation Secretary Arthur Tugade, Manila International Airport Authority General Manager Eddie Monreal, mga airline executives at ilang naapektuhang pasahero.

Bubusisiin sa hearing ang standard operating procedure sa mga ganitong aksidente sa paliparan at ang polisiya para sa mga apektadong pasahero.


Nagtataka kasi si Senator Poe kung bakit inabot ng 36-oras para maalis ang sumadsad na eroplano sa runway ng NAIA.

Sisilipin din sa hearing kung bakit hinayaang dumami ng husto ang stranded na pasahero sa NAIA.

Tatalakayin din sa pagdinig ang Senate Resolution No. 782 na nauna ng inihain ni Senator Sherwin Gatchalian na layuning alamin ang estado ng paliparan sa Metro Manila at ang planong modernisasyon dito ng gobyerno.

Facebook Comments