Mga opisyal ng oil companies, pupulungin ng liderato ng Kamara kaugnay sa patuloy na pagtaas ng presyo ng petrolyo

Iimbitahan ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez ang mga opisyal ng mga kompanya ng langis para talakayin ang sunod-sunod na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.

Layunin ng hakbang ni Romualdez na mahanapan ng solusyon ang halos lingguhang oil price hike sa layuning maibsan ang mabigat na pasanin ng publiko.

Ayon kay Speaker Romualdez, ang mataas na presyo ng produktong petrolyo ay itinutulak ng pagtaas ng presyo nito sa pandaigdigang pamilihan bukod sa tali rin ang kamay ng gobyerno dahil sa Oil Deregulation Law.


Pero ipinunto ni Romualdez na ang ibinebenta ng mga kompanya ng langis ngayon sa bansa ay hindi pa ang kanilang nabili sa mataas na presyo.

Bunsod nito ay nais ni Romualdez na marinig ang suhestyon ng oil companies kung paano o ano ang dapat gawin ng pamahalaan at oil players upang mapababa ang presyo ng produktong petrolyo.

Binanggit din ni Romualdez na sisilipin ng Kamara ang mga nakabinbing panukala na naglalayong amyendahan ang Oil Deregulation Law.

Facebook Comments