Pinabibigyan ni Senador Risa Hontiveros sa Department of Transportation (DOTr) ng parangal ang mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) na matagumpay na nagtaboy sa mga dayuhang barko sa West Philippine Sea.
Panawagan ito ni Hontiveros sa DOTr kasunod ng ginawa ng BRP Cabra ng PCG na pag-iisyu ng radio challenge sa limang barkong Tsino at dalawang barkong Vietnamese na nakita sa Marie Louise Bank sa West Philippine Sea.
Base sa report, isang babaeng operator ng radyo ang gumamit ng long range acoustic device para maisagawa ang radio challenge na nagpapakitang maaaring igiit ng Pilipinas ang ating pagmamay-ari sa West Philippine Sea nang hindi nanggigiyera.
Diin ni Hontiveros, nakaka-proud na dahil sa ginawa ng PCG ay buong tapang na naitaboy ng Pilipinong barko ang mga dayuhang iligal na nakahimpil sa ating karagatan.
Paliwanag ni Hontiveros, kailangan nating regular at patuloy na magbigay ng mga komendasyon upang hikayatin ang mas marami pang mga opisyal na ipagtanggol at protektahan ang ating teritoryo at ating mga mamamayan.