Mga opisyal ng Pharmally, iginiit na hindi nila alam kung nasaan ang mga dokumentong pinapasumite sa Senado

Sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee ay humingi ng awa si Pharmally Pharmaceutical Corporations Director Linconn Ong sa Senado na huwag na silang ipakulong sa Pasay City Jail dahil hindi naman sila kriminal.

Giit ni Ong at isa pang opisyal ng Pharmally na si Mohit Dargani, hindi talaga nila alam kung nasaan ang mga dokumento na hinihingi ng Senado ukol sa financial statements ng kanilang kompanya na binilhan ng gobyerno ng bilyun-bilyong pisong halaga ng pandemic supplies.

Paliwanag pa ni Ong, iniimbestigahan na sila ng Bureau of Internal Revenue (BIR) kaya sana ay kasuhan na lang sila ng Senado sa halip na ipakulong.


Si Twinkle Dargani naman ay napaiyak habang iginigiit na hindi rin niya alam kung nasaan ang nabanggit na mga dokumento kaya wala rin siyang magawa para maisalba ang sarili at kapatid na si Mohit na pinakulong din ng Senado sa Pasay City Jail.

Maging si Huang Tzu Yen na Chairman ng Pharmally at nasa Singapore ay nagsabing hindi rin niya alam ang kinaroroonan ng mga dokumento.

Pero kahit anong pagmamakaawa at iyak ay hindi nila nakumbinse ang mga Senador kaya matapos ang pagdinig ay ibinalik sa Pasay City Jail sina Mohit at Ong habang mananatili pa rin sa detention facility ng Senado si Twinkle.

Facebook Comments