Iginiit ni Senator Francis “Kiko” Pangilinan na kung seryoso ang gobyernong Duterte na unahin ang kaligtasan ng taumbayan ay dapat nitong sibakin, kasuhan ng plunder at ipakulong ang mga opisyal ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na sangkot sa katiwalian.
Diin ni Pangilinan, ang nabanggit na hakbang at ang pagpapalakas nang husto sa sistema ng kalusugan ang magpapatunay ng sinseridad at pagiging seryoso ng administrasyon na sugpuin ang problema ng COVID.
Ayon kay Pangilinan, ngayon dapat ipakita ng administrasyon na tunay ang political will nito at hindi gawa-gawa at pa-siga-siga lang.
Sinabi ni Pangilinan, ang pagnanakaw at pangungurakot sa PhilHealth na ahensyang sentro sa ating healthcare system sa gitna ng pinakamatinding krisis sa kalusugan sa kasaysayan ng bansa ay indikasyon ng kawalan ng pagpapahalaga at malaking kapabayaan ng gobyerno.
Naniniwala si Pangilinan na sinusunog na sa impyerno ang kaluluwa ng mga nagnanakaw sa pondo ng gobyerno para sa kalusugan habang libu-libo na ang nagkakasakit o namamatay dahil sa pandemya.