Mga opisyal sa pabahay, pinulong ng mga mambabatas hinggil sa mga polisiya

Pinulong ng mga mambabatas ang mga opisyal ng mga ahensyang may kinalaman sa pabahay hinggil sa mga polisiya upang tugunan ang mga usapin at mga alalahanin na kinakaharap sa sektor ng pabahay, sa pamamagitan ng lehislasyon.

Ang pulong ay pinangunahan nina Overseas Filipino Workers (OFW) Party-list Rep. Marissa “Del Mar” Magsino at House Committee on Housing and Urban Development Chairperson Rep. Jose Francisco “Kiko” Benitez, na parehong mula sa Minority bloc.

Kabilang sa humarap sa pulong ay ang mga opisyal ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) at National Real Estate Corp.


Lumahok din sa pulong ang Subdivision and Housing Development Association, Chamber of Real Estate and Builders Association, Inc. at Organization of Socialized and Economic Housing Developers of the Philippines.

Ayon kay Magsino, ang pulong ay bahagi ng pagsusulong nila sa mga nabinbing lehislasyon para iangat ang kalagayan sa sektor ng pabahay katulad ng Land Use Bill na matagal nang nakabinbin simula pa noong 1990’s.

Binanggit naman ni Congressman Benitez na isinusulong ni House Committee on Ways and Means Chairman Rep. Joey Salceda ang batas na magbibigay-linaw sa pagbubuwis, at magpapabilis sa real property valuation.

Sa pulong ay iminungkahi naman ni Rafael Hernandez ng Rafeli Realty & Development Corp. na mapababa ang hangganan ng halaga ng presyo ng mga materyales na lumber at hardware na ginagamit sa socialized housing.

Facebook Comments