Mga opisyales ng subdivisions at condos na sagabal sa pagpapatupad ng hakbangin kontra COVID-19, kakasuhan ng QC LGU

Nagbanta si Quezon City Mayor Joy Belmonte na hindi magdadalawang-isip na kasuhan ang mga opisyal ng subdivision at condominium na hindi makikipagtulungan sa mga pagkilos laban sa Coronavirus Disease 2019 (COVID-19).

Ginawa ni Belmonte ang babala matapos makarating sa kaniyang kaalaman na pinigilan ng mga opisyal ng isang condominium sa Brgy. Sto. Cristo at isang subdivision sa Brgy. Matandang Balara ang pagpasok ng mga contact tracers.

Hindi rin umano kinilala ng mga ito ang pakiusap ng mga taga City Epidemiology and Surveillance Unit.


Ikinalungkot ng lady mayor ang nangyari dahil panahon ngayon na dapat ay nagkakaisa ang lahat sa paglaban kontra sa COVID-19.

Kung hindi aniya agarang maagapan ay maaaring humantong sa lalong pagkalat ng virus sa mga natukoy na lugar.

Sinabi ni Belmonte, kasong paglabag sa Republic Act No. 11332 o Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Health Concern Act ang isasampa nila laban sa mga pasaway na subdivision officials.

Sinabi naman ni Assistant City Administrator for Operations Alberto Kimpo, na may lokal na batas na nagpaparusa sa mga hindi makikipagtulungan sa mga health personnel sa panahong may krisis pangkalusugan.

Kung mapapatunayang nagkasala, maaaring pagmultahin ng mula ₱20,000 hanggang ₱50,000 o kaya ay pagkakakulong ng sinumang hindi susunod sa naturang patakaran.

Kaya apela ng lokal na pamahalaan, makiisa ang mga homeowners and condominium associations sa kampanya laban sa COVID-19 alang-alang sa kaligtasan ng lahat.

Facebook Comments