Nagsagawa ngayong araw ng pagdinig ang House Committee on Good Government and Public Accountability at Committee on Agriculture and Food ukol sa kontrobersyal na Sugar Order No. 4 na nagsasaad ng importasyon ng 300,000 metriko tonelada ng asukal na hindi otorisado ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Sa hearing ay ipinaliwanag ni resigned Agriculture Usec. Leocadio Sebastian na ang SO #4 ay batay sa mga datos na naiprisenta ng Sugar Regulatory Administration o SRA na mababa ang suppy ng asukal at may pagtaas na sa presyo nito.
Depensa pa ni Sebastian, ang ginawa niyang pagpirma ay alinsunod sa isang memo na inisyu noong July 12, 2022 at lumagda siya para sa kalihim ng Department of Agriculture.
Sabi naman ni SRA Administrator Hermenegildo Serafica, dumadaan sa matinding konsultasyon at rekomendasyon ng stakeholders bago maaprubahan ng SRA ang anumang sugar order.
Nanindigan din si Serafica na kailangang talagang mag-angkat ng asukal dahil kung pagbabasehan ang kanilang datos ay paubos na ang kasalukuyang suplay ng asukal sa bansa.