Naghahanda na ang pamahalaan kung sakaling sumipa ang kaso ng COVID-19 sa bansa.
Ito ay kasunod ng naitala ng Department of Health o DOH ng unang kaso ng BA.4 Omicron subvariant sa bansa na itinuturing ngayong “variant of concern.”
Sa panayam ng RMN Manila kay Dr. Ted Herbosa, Medical Adviser ng National Task Force (NTF) against COVID-19, sinabi nito na naghahanda na ang mga ospital at local government unit (LGU) kung sakaling makapagtala ng community transmission ng nasabing unang kaso ng subvariant.
Paliwanag ni Herbosa, mabilis aniya kasi itong kumalat at may kakayanan din na makahawa ng mga una nang tinamaan ng COVID-19, mga bakunado na o mga may comorbidities.
Ayon pa kay Herbosa, sa ngayon kasi hindi pa natutukoy ang mga close contact ng unang kaso ng BA.4 Omicron subvariant sa bansa.