Mga ospital, dinaragsa ng non-COVID patients

Dinaragsa ng ating mga kababayan ngayon ang mga ospital.

Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni National Patient Navigation and Referral Center Operations Manager Bernadette Velasco na karamihan sa mga pasyente na nasa ospital ngayon ay non-COVID patients.

Paliwanag ni Dr. Velasco na base sa experience, kapag bumaba ang mga kaso ng COVID-19 ay tumataas naman ang mga non-COVID cases sa mga pagamutan.


Ngayon kasi aniya, nagpapakonsulta ang ating mga kababayan na may iba’t ibang uri ng sakit tulad ng chronic at uncontrolled diseases kaya talagang mataas ang bilang ng mga nagpapa ospital maging ang mga nasa Emergency Room.

Ani Dr. Velasco, partikular nila itong naobserbahan sa NCR kung kaya’t nakikipag-coordinate na sila sa ibang rehiyon sa bansa para ma-maximize ang kanilang mga kama o kwarto upang hindi mapuno ang mga ospital dito sa Metro Manila.

Una nang sinabi ng pamunuan ng Philippine General Hospital na puno na ang kanilang pasilidad at ngayo’y nasa 200% na ang kanilang Emergency Room kung saan karamihan ng mga pasyenteng isinusugod dito ay may pneumonia, diabetes, heart diseases, lung diseases at kidney illnesses.

Facebook Comments