Mga otoridad, pinaaalerto sa posibleng paglipana ng mga pekeng COVID-19 vaccines

Pinakikilos na agad ni Deputy Speaker Wes Gatchalian ang mga otoridad sa posibleng bentahan sa online ng mga fake at unregistered na bakuna laban sa COVID-19.

Nababahala ang kongresista na dahil sa nakatakdang pagdating ng mga COVID-19 vaccines ngayong Pebrero ay tiyak na may mananamantala para makapagbenta ng mga pekeng bakuna.

Ayon kay Gatchalian, nakatanggap na ang Committee on Trade and Industry sa Kamara ng mga reklamo na may ilang online nang nagtitinda ng COVID-19 vaccine.


Dahil dito, pinaaalerto na ng kongresista ang mga law enforcers at cybercrime agencies para sa crackdown laban sa mga bakunang ilegal at hindi otorisadong ng Food and Drug Administration (FDA).

Giit dito ng mambabatas, hindi lamang ang pera, kundi kalusugan ng mamamayan ang nakasalalay dito lalo na kung maglipana na ang mga fake vaccines.

Samantala, pinaiigting naman ni Health Committee Chairman Helen Tan sa FDA ang monitoring ng pagdating ng mga bakuna sa bansa.

Pinapalawak din ni Tan ang information dissemination ng FDA hinggil sa mga magiging negatibong epekto sa sinumang matuturukan ng pekeng bakuna.

Facebook Comments