Kailangang makapag-aplay muli ng lisensya ang mga overseas operator ng Philippine Offshore Gaming Operators o POGO bago ang September 15.
Ipinaalala ito ni Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) Chairman and Chief Executive Officer Alejandro Tengco sa pagharap niya sa budget hearing ng Committee on Appropriations na pinamumunuan ni Ako Bicol Party-list Representative Elizaldy Co.
Magugunitang simula noong August 1 ay inilagay ng PAGCOR sa probationary status ang lahat ng POGO kung saan ang mabibigong mag-re-apply ng lisensya ay hindi na makakapag-operate.
Samantala, inihayag din ni Tengco na kanselado na noong pang Setyembre ng nakaraang taon ang 5.8 billion pesos na kontrata sa Global ComRCI, ang pribadong third party auditor ng mga overseas gaming licensees.
Sabi ni Tengco, ginawa nila ito matapos itanggi ng New York based Soleil Bank na mayroong account ang kompanya sa kanila.
Taliwas ito sa bank certification na isinumite ng Global ComRCI sa bidding na mayroon silang 25 million dollars sa naturang bangko.
Bunsod nito ay ang Commission on Audit muna ang pansamantalang nagsisislbing third party auditor ng overseas gaming licensees.