Mga paaralan, mahalagang tumulong na ituwid ang pagkalat ng maling impormasyon ukol sa COVID-19

Hinimok ni Senador Sherwin Gatchalian ang mga pribado at pampublikong paaralan na paigtingin ang kanilang mga programa laban sa pagkalat ng maling mga impormasyon o misinformation, lalo na ang patungkol sa COVID-19.

Mensahe ito ni Gatchalian, sa gitna ng pagdiriwang ng Global Media and Information Literacy Week na nagtatapos ngayong araw, Oktubre 31.

Babala ni Gatchalian, mas nanganganib ang 25-milyong mga mag-aaral sa bansa na makatanggap ng mga maling impormasyon na maaaring magdulot ng kalituhan dahil mas mataas ang kanilang exposure sa iba’t ibang anyo ng media dahil sa distance learning.


Diin ni Gatchalian, ang media and information literacy ay saklaw ng K to 12 curriculum, kaya mahalaga ang papel ng mga paaralan upang masugpo ang lantarang pagkalat ng mga maling impormasyon o ang tinatawag ng World Health Organization (WHO) na ‘infodemic crisis’ hinggil sa COVID-19.

Kaugnay nito ay ipinapanukala rin ni Gatchalian na palawigin ng Department of Education (DepEd) ang pakikipag-ugnayan sa mga batikang mamamahayag na una nang nakapagbigay ng pagsasanay o training para sa mga tinaguriang teacher-broadcasters.

Dagdag pa ni Gatchalian, maaari ring makipagtulungan ang DepEd sa mga lokal na istasyon ng radyo at telebisyon sa iba’t ibang probinsiya para magamit ang distance learning sa pagpapaigting ng edukasyon sa kalusugan.

Facebook Comments