Aminado ang pamunuan ng Department of Education (DepEd) na may mga paaralan na hindi pa rin kayang tumalima sa full implementation ng face-to-face classes partikular na ang mga napinsala ng Bagyong Paeng.
Ayon kay DepEd Spokesperson Atty. Michael Poa, para sa mga napinsala, hindi pa nalinis at mga ginamit na Evaucation Center na paaralan, papayagan nila ang “alternative delivery mode” ng pagtuturo.
Ito ang paggamit ng module na pasasagutan sa mga bata na pwedeng hard copy o digital depende sa lokasyon.
Maikokonsidera din umano itong blended learning dahil oras na maayos naman ang paaralan ay babalik na sila sa mandatory o sapilitang face-to-face classes.
Base sa pinakahuling tala, 261 na mga paaralan ang nagtamo ng pinsala sa imprakstraktura.
Samantala, sinabi ni Atty. Poa na patuloy ang kanilang Assessment sa lawak ng pinsala ng bagyo sa mga paaralan.
Nahirapan din kasi ang kanilang mga tauhan sa pagpapadala ng ulat dahil maraming lugar ang binaha nitong weekend.