
Pinahihintulutan ng Department of Education (DepEd) ang mga preventive class suspensions o pansamantalang pagtigil ng klase sa mga paaralan.
Ito ay bilang bahagi ng mga hakbang para matiyak ang kaligtasan ng mga mag-aaral, guro, at kawani habang isinasagawa ang mga gawain para sa kahandaan sa sakuna.
Ayon sa DepEd, maaaring magpatupad ang Regional Office at Schools Division Office ng DepEd ng preventive suspensions para magsagawa ng structural inspection at iba pang aktibidad.
Layon nito na matiyak na handa ang mga paaralan sakaling magkaroon ng malakas na lindol o iba pang kalamidad.
Iginiit ng DepEd na isinasabay din ang mga hakbang na ito sa pag-iingat laban sa mga sakit.
Sa panahon ng preventive suspension, ipinatutupad ang mga alternatibong paraan ng pag-aaral upang tuloy pa rin ang edukasyon habang tinitiyak ang kaligtasan ng lahat.
Nananawagan din ang DepEd sa mga magulang, guro, at lokal na pamahalaan na makiisa sa mga inisyatibang ito para matiyak na ang bawat paaralan ay handa at ligtas sa harap ng anumang sakuna.
Una nang nag-anunsyo ng suspensyon ng face to face classsses mula bukas, October 14 hanggang October 31 si Laguna Governor Sol Aragone.









