Mga pabor at tutol sa Divorce Bill, halos dikit ang laban; panukala, dadaan sa butas ng karayom sa Senado

Dikit ang laban ng mga mga senador na pabor at tutol sa panukalang Divorce Bill.

Ito ang inihayag ni Senate President pro-tempore Jinggoy Estrada kasabay ng paghingi ng paumanhin sa mga kapwa senador dahil inilabas niya sa media ang isinagawang survey hinggil sa pulso ng mga mambabatas patungkol sa isinusulong na diborsyo sa bansa.

Noong nakaraang linggo ay inilabas ni Estrada sa media ang ilang mga senador na pabor at tutol sa panukalang diborsyo matapos na unang makalusot ito sa Kamara.


Ayon kay Estrada, mabigat ang laban at tiyak na dadaan sa butas ng karayom ang Divorce Bill sa Senado.

Bagama’t hindi na sinabi ng senador kung ilan na ang mga pabor at tutol sa diborsyo, sinabi niya na hindi pa niya nakakausap ang grupo ni Senator Migz Zubiri tungkol sa kanilang posisyon sa panukala at may ilan pang mambabatas ang pinagiisipan at binabalanse pa ang kanilang pasya sa Divorce Bill.

Wala aniyang direktibang ibinigay ang palasyo patungkol sa Divorce Bill kaya wala ito sa kanilang priority bills at dahil dito, posibleng tulugan ito ng Mataas na Kapulungan.

Facebook Comments