Pinasisilip ni Deputy Speaker at Davao City Rep. Paolo Duterte ang mga sinasabing paglabag ng ABS-CBN sa prangkisa na ibinigay dito ng Kamara bago mapaso.
Kasabay ito ng paghahain ng House Resolution 853 nila Duterte, House Committee on Accounts Chairman Abraham Tolentino at House Committee on Appropriations Chairman Eric Yap.
Tinukoy sa resolusyon ang pag-o-operate umano ng ABS-CBN ng pay-per-view channel gamit ang free-to-air signals na malinaw na paglabag sa naunang legislative franchise na iginawad dito ng Kongreso.
Sa halip din na itigil ito salig na rin sa naunang utos ng National Telecommunications Commission (NTC) ay itinuloy pa rin ng network ang operation.
Nakasaad din sa resolusyon na pinagkakitaan umano ng ABS-CBN ang publiko gamit ang air frequencies na libre at mula sa gobyerno.
Bukod dito, isa ring paglabag umano sa Konstitusyon ang pagbibigay ng ABS-CBN ng Philippine Depository Receipts sa mga dayuhan.