Quezon City – Ipinasusuri na ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa Biodiversity Management Bureau kung totoong hindi bullfrogs ang napakawalan ng Barangay Matandang Balara, Quezon City.
Matatandaang nasa 1,000 palaka ang kanilang pinakawalan para puksain ang mga lamok na nagdudulot ng dengue.
Ayon kay DENR Undersecretary Benny Antiporda, dati na nilang binalaan ang barangay.
Iginiit naman ni U.P. Los Baños Herpetologist na si Dr. Leticia Afuang, hindi mga palakang bukid o bullfrog ang pinakalawan kundi mga cane frog o karag.
Babala niya, sa halip na makatulong kontra dengue ay baka maghatid lamang ito ng perwisyo.
Dagdag pa niya, nakakalason ang mga ito kahit sa mga ahas.
Karaniwan sa mga malilinis na lugar lamang makikita ang mga palaka.
Nanindigan naman ang barangay na mga palaka ang kanilang pinakawalan pero handa silang sumunod sakaling ipag-utos na ipatatanggal ang mga ito.