Mga Palayan at Maisan sa Isabela, Pinadapa sa Hagupit ng Bagyong Ompong!

*Cauayan City, Isabela*- Napadapa sa paghagupit ni Bagyong Ompong ang mga pananim na palay at mais dito sa lalawigan ng Isabela.

Ito ang iginiit ni Board Member Alfredo Alili ng 4th District ng Isabela at Chairman ng Committee on Trade and Industry at Co-Chairman rin ng Committee on Agriculture na bagamat zero casualties ang ating lalawigan ay malaki naman ang naging epekto nito sa mga magsasaka.

Kaugnay nito ay handa pa rin umanong bilhin ng National Food Authority (NFA) ang mga produkto ng mga nasirang palay na una nang pinag-usapan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Isabela at NFA.


Una rito ay dati nang nagdagdag ng 4.50 pesos ang ating Pamahalaang Panlalawigan sa NFA mula sa buying price nitong 17 pesos kung saan ay magiging 21.50 pesos na ito ngayon sa kada isang kilo ng palay para sa lahat ng mga local na magsasaka na magbebenta ng palay sa NFA dito sa lalawigan ng Isabela.

Hinikayat pa ni Board Member Alili ang lahat ng mga magsasaka na magreport lamang umano sa Municipal Agriculturist upang maidulog ang mga nasirang pananim upang mabigyan umano nila ito ng solusyon.

Samantala, inihayag rin ni Board Member Alili na magsasagawa sila ng price monitoring sa mga pangunahing bilihin sa mga pampublikong pamilihan upang matiyak na nasa tamang presyo ang mga ibinebentang basic commodities dito sa ating lalawigan.

Facebook Comments