Bilang pagtalima sa kautusan na istriktong implementasyon ng Enhanced Community Quarantine (ECQ), nakaisip ang Lokal na Pamahalaan ng Las Piñas ng hakbang para maipatupad ang physical distancing partikular sa mga palengke.
Para maiwasan ang siksikan o pagkakadikit-dikit ng mga tao sa palengke, naglagay ang Lokal na Pamahalaan ng mga markers at linya na tatayuan ng mga bibili sa bawat tindahan sa palengke.
Nagdagdag din ng police visibility at istriktong pagsusuri ng quarantine pass gayundin ang pagkuha ng temperature gamit ang infrared thermometer scanner bago sila pumasok sa palengke.
Pinapaalalahanan ang lahat ng mamimili gayundin ang mga nagtitinda na panatilihin ang social distancing at ang pagsusuot ng face mask.
Nakikiusap ang Lokal na Pamahalaan sa lahat na sumunod sa patakaran upang hindi na magkaroon pa ng problema.
Samantala, tatlong ordinansa ang pinirmahan ng Lokal na Pamahalaan ng Las Piñas upang patuloy na masunod ng mga residente ang umiiral na ECQ.
Kabilang dito ay ang liquor ban, strict implementation of Anti-Loitering Act at mandatory wearing of face mask.
Nabatid kasi na nasa 2,625 ang nadakip na lumabag sa ECQ. Kaya’t mas lalong hihigpitan ng pulisya ang seguridad lalo na’t marami ang nadakip dahil tila kampante na ang mga ito.
Sa ngayon, nasa 92 ang bilang ng kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa Las Piñas habang 7 ang naitalang namatay at 11 ang nakarekober.