Manila, Philippines – Tiniyak ni Manila Mayor Joseph “Erap” Estrada na ligtas sa kinatatakutang Avian Flu virus ang mga manok na binebenta sa mga palengke at Supermarket sa Lungsod.
Matapos ang isang linggong inspeksyon na isinagawa ng Office of the City Veterinarian sa mga palengke at katayan ng manok, sinabi ni Estrada na walang nakitang anumang indikasyon na nakarating na sa Maynila ang bird flu.
Natanggap na ni Estrada ang ulat na sinumite ni city veterinarian at hepe ng Veterinary Inspection Board (VIB) na si Dr. Virgil Benedict De Jesus na siyang nanguna sa inspeksyon ng mga Wet Markets, Dressing Plants, at maliliit na Poultry Suppliers sa Lungsod.
Ilan sa mga ininspeksyon ay ang Blumentritt Market, ang pinakamalaking bilihan ng mga manok sa Maynila; Paco Market, Arranque Market sa Sta. Cruz, Bambang Market sa Tondo, at Quinta Market sa Quiapo, at mga pribadong supermarket at meat shop.
Aminado ang mga tindera at tindero na matumal talaga ang bilihan ng manok at itlog kaya malaki ang nawawala sa kanilang kinikita araw araw.