Narekober ng mga tauhan ng 49th Infantry Battalion ang ilang anti-personnel mines at mga bala sa Barangay San Antonio, Oas, Albay.
Sa ulat kay Major General Adonis Bajao, Commander ng 9th Infantry (Spear) Division at Joint Task Force Bicolandia, nagpapatrolya ang mga sundalo nang madaanan ang isang lugar sa nasabing barangay kung saan nakuha ang 8 anti-personnel mines, 1,747 piraso ng mga bala at 180 metro ng electrical wires.
Pinaniniwalaang ibinaon ang mga ito ng mga miyembro ng communist terrorist group na nakasagupa ng mga sundalo noong Pebrero 15 sa Barangay Ramay.
Kaugnay nito, pinatitiyak ni Bajao ang seguridad sa lugar dahil sa posibilidad na may mga nakatago pang gamit ang mga kalaban upang maprotektahan na rin ang mga residente.
Iginiit pa opisyal na lubhang mapanganib ang mga nakuhang pampasabog na anumang oras ay maaaring magdulot ng matinding pinsala sa buhay ng mga inosenteng sibilyan.