Ilang Dagupeño ang patuloy na naniniwala at nagsasagawa ng iba’t ibang pampaswerteng tradisyon tuwing sumasapit ang Chinese New Year.
Si Aling Elvy na matagal nang nagbebenta ng palamig ay naniniwala pa rin sa mga pampaswerte kagaya ng paghahain ng tikoy.
Aniya, naniniwala siyang maaari itong magdala ng magandang kapalaran sa buong taon.
Bukod dito, nagsusuot din siya ng lucky charms at kulay pula na pinaniniwalaang nagdadala ng swerte at proteksyon laban sa malas.
Gayunman, may ilan ding residente ang nagsabing hindi sila naniniwala sa mga ganitong paniniwala.
Ayon sa kanila, mas nakabatay pa rin sa sipag, disiplina at pananampalataya ang pag-asenso sa buhay kaysa sa mga pampaswerteng tradisyon.
Kaugnay nito, sa lungsod ng Dagupan City ay taon-taong ipinagdiriwang ang Chinese New Year na kadalasang tinatawag na “Friendship Day.”
Ngayong Pebrero 16 hanggang 17, magsasagawa ng Chinese New Year Food Bazaar sa lungsod bilang bahagi ng selebrasyon ng 2026 Chinese New Year Friendship Day, na layuning patatagin ang ugnayan ng Chinese-Filipino culture habang sama-samang sinasalubong ang panibagong taon.










