Kasado na ang pamahalaang lungsod ng Quezon para sa pagsisimula ng klase sa mga pampublikong paaralan bukas, October 5.
Kahapon pinasimulan na ng QC School Division Office ang pamamahagi ng data sim cards sa mga junior at senior high school students sa lahat ng distrito.
Kabuuang 176 libong data sim cards na may laman nang 10GB data ang ipinamimigay ng Local Government Unit (LGU) sa mga estudyante.
Kasabay na rin dito ang pag-install ng go Wi-Fi Access points para sa isang oras para sa libreng internet sa sinumang nangangailangan nito.
Tuluy-tuloy pa rin ang pamamahagi ng City General Services Department ng mga tablet sa mga paaralan.
Bawat junior at senior high school public students na pinili ang digital distance learning ay makatatanggap ng tablet na mayroon nang 10GB monthly data allowance.
Samantala sabay ring ipinamamahagi sa mga paaralan ang mga module at textbooks na gagamitin din ng mga mag-aaral.
Base sa tala ng LGU, may kabuuang 404,446 ang total enrollees sa 156 na public school sa lungsod.
Sa kabuuang bilang, 224,194 ay mga mag-aaral ng elementarya at 153,145 ang mag-aaral sa junior high school; habang 27,106 students naman ang enrolled sa senior high school gayundin sa Non-Graded Special Education.