Pinapayuhan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang mga driver ng pampublikong sasakyan na dumulog sa kanilang central o regional offices saka-sakaling hindi makatanggap ng fuel subsidy sa oras na ipamahagi na ito ng pamahalaan.
Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni LTFRB Executive Director Kristina Cassion na kinikilala talaga ng batas ang mga operators bilang lehitimong franchise holder’s ng mga pampublikong sasakyan.
Mayroon din aniyang mga sitwasyon na hindi permanente ang drivers ng mga operator.
Ito ang dahilan kung bakit mayroong mga mekanismo na itinatag para sa pamamahagi ng fuel subsidy.
Kabilang dito ang pagtitiyak ng kung anong plate number ang nakalagay sa mga fuel subsidy card ay iyon lamang ang maaaring gumamit nito.
Ayon pa kay Cassion, ang mga operator ay mayroong sinumpaang salaysay na dapat ay ibigay nila at makarating sa mga tsuper ang fuel subsidy ng pamahalaan.