PINAIIMBESTIGAHAN ni ACT Teachers Partylist Rep. France Castro sa Kongreso ang umano’y hindi pagtupad ng Dito Telecommunity, ang third telco sa bansa, sa mga pangako nito matapos na aprubahan ang kanilang prangkisa.
Ayon kay Castro, dapat ipataw ang nararapat na penalty na naayon sa prangkisa ng Dito.
“Nag- oppose kami diyan sa Dito telco na ‘yan dahil before pa aprubahan ang another 25 years franchise niyan, wala namang natupad sa mga promise nito,” sabi ni Castro.
“At isa pa, controlled ito ng China Telecom na maaaring threat sa national security.”
Hiniling ni Castro sa Kongreso ang imbestigasyon makaraang makarating sa kanyang tanggapan ang ilang napako na pangako ng Dito.
Sinabi ng Dito na sa unang taon, ang kompanya ay obligadong serbisyuhan ang 37% ng populasyon ngunit nabatid ng kongresista na wala pa sa 37% ang na-cover nito dahil 2015 population data ang ginamit ng kompanya, na may nadagdag na 9 milyon sa populasyon ng 2021.
Nangako rin ang Dito na pananatilihin ang average minimum internet speed na 27 MBPS, ngunit sa isinagawa umanong test ng Rappler sa Manila ay mayroon lamang itong 3 MBPS upload at 4MBPS download speeds.
Nais ding malaman ni Castro ang katotohanan sa ulat na nasa 1,600 cell towers pa lang ang naitatayo ng kompanya, base sa technical audit ng National Telecommunications Commission ( NTC) noong January 2021, gayong ang ipinangako ng Dito ay 2,500 cell towers.
Bukod dito, ang third telco ay inaprubahan para serbisyuhan ang mahihirap at marginalized sectors ng lipunan, ngunit nakarating sa kaalaman ng kongresista na anti-poor ito dahil nag-roll out ito sa highly urbanized cities ng VisMin at Metro Manila.
At para ma-avail ang serbisyo ng Dito ay kailangan pa umanong bumili ang mahihirap ng 4G handsets.
Ayon kay Castro, malaking tulong sana, lalo na sa distance learning, kung totoo ang Dito sa mga pangako nito.