Mga pangangailangan ng mga guro at estudyante, pinatitiyak sa muling pagbubukas ng klase sa Setyembre

Pinatitiyak ni ACT Teachers Partylist Rep. France Castro sa administrasyong Duterte at sa Department of Education (DepEd) na maibibigay ang lahat ng suporta sa mga guro at estudyante kasunod ng pag-apruba ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pagbubukas ng School Year 2021-2022 sa September 13.

Giit ni Castro, hindi na katanggap-tanggap na marami na namang kabataan ang magda-drop sa mga paaralan dahil sa kawalan ng access sa de kalidad na edukasyon.

Mahalaga aniyang matiyak ng DepEd na may mga hakbang na inilatag para sa ligtas na pagbubukas ng klase at para sa pagkakaroon ng access sa ligtas, de kalidad at epektibong edukasyon.


Sinabi ng mambabatas na dapat harapin at aksyunan na ng gobyerno ang nararanasang “education crisis” na pinalala ng pandemya.

Binigyang diin pa ni Castro na hindi naman maaaring iasa lamang sa bakuna ng mga guro at mga kabataan ang muling pagbubukas ng klase kundi dapat ay makagawa na ng paraan ang pamahalaan kung paano makakabalik ang mga kabataan nang pisikal sa klase na hindi umaasa sa bakuna.

Dagdag pa ng kongresista, may mga pag-aaral at rekomendasyong ibinigay ang Centers for Disease Control and Prevention ng US, UNICEF at Philippine Pediatric Society sa ligtas na face-to-face classes.

Ilan sa mga ito ang istriktong pagsusuot ng masks, pagpapatupad ng physical distancing at pagtukoy sa mga lugar sa bansa ng risk levels at kahandaan ng mga school facilities.

Facebook Comments