Ikinakalungkot ni presidential aspirant Sen. Manny Pacquiao ang mga nangyayari ngayon sa Commission on Election (COMELEC) kaugnay sa kinakaharap na disqualification case ni presidential aspirant Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Pahayag ito ni Pacquiao, makaraang ibunyag ni Commissioner Rowena Guanzon na may isang senador ang nasa likod ng pagkaantala sa paglalabas ng pasya sa disqualification case ni Marcos.
Paalala ni Pacquiao, itinatag ang COMELEC sa ilalim ng Saligang Batas upang bantayan at tiyakin ang patas, malinis, mapayapa at walang bahid na panlilinlang sa ating mga halalan.
Diin ni Pacquiao, ang COMELEC ang pangunahing tagapagbantay sa ating demokrasiya.
Malinaw para kay Pacquiao, ang mga inilatag na patakaran at pamantayan para sa mga kumakandito na hindi dapat baliin at bigyan ng ibang interpretasyon.
Apela ni Pacquiao, protektahan natin ang katotohanan, patas na aplikasyon ng batas at huwag baluktutin ang mga prosesong nagpapatibay sa ating demokrasya.