Ipinapaprayoridad ni Assistant Minority Leader Arlene Brosas sa 19th Congress ang mga panukala na makakabawas sa kahirapan at makapagpapaangat ng ekonomiya ng bansa.
Ang reaksyon ng kongresista ay kaugnay na rin sa panibagong oil price hike ngayong linggo at ang pagtaas pa ng inflation rate sa 5.4% na naitala nitong Mayo.
Giit ng Gabriela Party-list Representative, sa halip na Charter Change o Cha-Cha ang unahin ng Kongreso ay dapat na mas “top priority” ang pagbasura o pagsuspindi sa excise taxes sa langis at pagpapababa sa presyo ng pagkain.
Sinabi ni Brosas na titiyakin niyang maipaprayoridad ang pagbasura sa excise taxes sa mga produktong petrolyo sa pamamagitan ng pag-amyenda sa Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law gayundin ang pag-aalis ng mga “regressive taxes” sa mga kinukunsumong produkto.
Aniya, ang subsidiya sa fuel ay hindi sapat para maibsan ang epekto ng mataas na presyo ng mga produktong petrolyo na nararanasan ngayon sa bansa.
Hindi rin aniya dapat unahin ng mga mambabatas ang Cha-Cha gayong maraming sikmura ang kumakalam dahil hindi pa tuluyang nakakabangon ang bansa mula sa epekto ng pandemya.