Iginiit ni House Deputy Minority Leader at ACT Teachers Party-list Representative France Castro sa Marcos administration na sertipikahang urgent ang mga panukalang batas na layuning itaas ang sweldo ng mga manggagawa sa gobyerno at pribadong sektor.
Apela ito ni Castro kasunod ng pahayag ng IBON Foundation na nitong Oktubre ay tumaas na ₱1,133 kada araw ang family living wage na malayong-malayo sa ₱570 minimum wage ng mga manggagawa sa National Capital Region (NCR), at mas mababa pa sa ibang rehiyon sa bansa.
Binanggit din ni Castro ang nananatiling mataas na bilang ng mga Pilipinong walang trabaho, habang marami rin ang may trabaho pero hindi sapat ang sweldo kaya patuloy na naghahanap ng dagdag na mapagkakakitaan.
Diin ni Castro, napapanahon na para gawing prayoridad ng administrasyon ni President Ferdinand Marcos Jr., ang pagpapataas ng sahod at sweldo ng mga manggagawa sa harap ng walang tigil na ang pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin.
Paliwanag ni Castro, kailangan na ang agarang aksyon mula sa gobyerno para may mapagkunan ang nagigipit na manggagawa ng pambili ng pagkain, pambayad sa mga utilities at pambili ng mga gamot sa mga sakit.