Umaasa ang mga kongresista na may-akda ng mga panukala na kumikilala sa civil partnership ng mga same-sex couples na mabilis na maaaprubahan ito sa Kamara.
Kasunod ito ng pagsusulong at pagiging bukas ni Pope Francis sa same-sex civil unions kung saan inendorso ng Santo Papa ang karapatan ng mga homosexuals na magsama ng ligal at magkapamilya.
Kapwa nabuhayan ng loob sa pahayag ng Santo Papa sina Bagong Henerasyon Partylist Representative Bernadette Herrera, may-akda ng House Bill 1357 at Davao del Norte Rep. Pantaleon Alvarez, may-akda naman ng House Bill 2264.
Ang mga nabanggit na panukala ay matagal nang nakabinbin sa House Committee on Women and Gender Equality sa Kamara.
Naniniwala ang dalawang mambabatas na ang pagiging bukas ni Pope Francis sa same-sex civil union ay magiging daan para sa agad na pagpapatibay ng panukala gayundin sa iba pang bills na nagsusulong ng karapatan ng mga nasa Lesbian, Gay, Bisexual, Transgender and Queer or Questioning (LGBTQ) sector.
Binigyang diin naman ni Herrera na ang usapin ay hindi para sa relihiyon kundi ito ay usapin ng karapatang pantao na siyang kinikilala at binibigyang halaga ng Santo Papa.