Mga panuntunan sa Ash Wednesday at Semana Santa, inilabas na ng CBCP

Inilabas na ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) ang panuntunan para sa nalalapit na Ash Wednesday sa Marso 2.

Sa ilalim nito, papayagan na muling pahiran ng abo sa mga noo ang mga mananampalatayang Katoliko makalipas ang dalawang taon mula nang tumama ang COVID-19 pandemic.

Sa kabila niyan, mananatiling opsyon pa rin ang pagbudbod ng mga abo sa bumbunan kagaya ng ginawa sa mga nakalipas na taon upang maiwasan ang contact dahil sa virus.


Ayon kay CBCP Episcopal Commission on Liturgy Chairman Bishop Victor Bendico, papayagan na rin ang mga prusisyon sa Mahal na Araw pero kinakailangan munang makipag-ugnayan ng mga parokya sa Local Government Units at mga opisyal ng barangay.

Magkakaroon din ng procession marshals upang mapanatili ang distansya sa mga lalahok sa prusisyon habang hindi naman muna inirerekomenda ang pagbubuhat ng mga carosa o andas para maiwasan pa rin ang pagdidikit-dikit ng mga tao.

Kaugnay pa rin sa Mahal na Araw, pwede na rin ang mga tradisyunal na “pabasa” basta’t nasusunod ang health protocols.

Facebook Comments