Ilalabas na sa lalong madaling panahon ng Vaccine Experts Panel (VEP) ang mga panuntunan sa pagbibigay ng booster shot sa ilang mga indibidwal.
Sa Laging Handa public press briefing sinabi ni Vaccine Experts Panel Chief Dr. Nina Gloriani na magkakaroon muli sila ng pagpupulong ngayong hapon hinggil dito.
Aniya, halos kada linggo ay nadadagdagan ang mga impormasyong kanilang nakukuha kung kaya ito ay masusi nilang tinitimbang at pinag-aaralan.
Sa pinakabagong pag-aaral na kanilang nakuha mula sa Estados Unidos, mas mahabang interval o kahit isang taong interval magmula ng makuha ang 2nd dose ay magkakaroon pa rin ng mataas na immune response kapag naturukan ng 3rd dose.
Pero kanila pa ring binabalanse sa VEP ang sitwasyon kung saan ang mga taong may mataas na exposure sa COVID-19 patients tulad ng mga medical frontliners, mga senior citizens at may comorbidities ang dapat na unahin sa pagtanggap ng booster shots.
Magiging katuwang ng VEP ang mga eksperto mula sa Department of Health (DOH) sa paglalabas ng guidelines hinggil sa pagbibigay ng booster shot.