Oobligahin na rin ang mga parking establishment na maglagay ng CCTV cameras bilang bahagi ng kanilang safety standards.
Ito ay matapos makalusot sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang Parking Operations and Fees Regulation Act sa botong 253 na sang-ayon at wala namang pagtutol.
Ikinalugod ni Deputy Speaker for Trade and Industry Wes Gatchalian na kaunti na lamang at maisasabatas na ang panukala sa kabila ng reservations ng mga may-ari ng retail at commercial establishments at mga independent parking operators.
Sa ilalim ng panukala ay ioobliga ang mga covered establishment na maglagay ng CCTVs, security guards na magbabantay, dagdag na entrance at exit booths upang maiwasan ang traffic congestion sa parking at iba pang safety standards.
Bukod sa pagpapanagot sa mga establishment owner sa anumang mangyayari sa sasakyan ng mga customers ay ire-regulate na rin ang parking fees upang maproteksyunan ang publiko laban sa hindi makatwirang singil sa mga parking.