Manila, Philippines – Sang-ayon ang mga partylist congressmen sa balak na ideklarang holiday ang September 21 o ang araw na idineklara ang batas militar noong panahon ng diktaturyang Marcos.
Kapwa naniniwala sina ABS Rep. Eugene Michael de Vera, COOP-NATCCO Rep. Anthony Bravo at ACTS OFW Rep. John Bertiz na maaaring may intelligence information ang Pangulo kaugnay sa mga mangyayaring rally sa September 21 kaya pinag-aaralan na gawin na itong holiday.
Hiniling ng mga kongresista na pagkatiwalaan ang Pangulo dahil layon lamang nito na protektahan ang publiko sa mga posibleng manggulo.
Nilinaw ng mga mambabatas na kung idedeklarang holiday ang September 21, hindi ito nangangahulugan ng selebrasyon kundi paggunita o pag-alala sa idinulot ng martial law noon sa bansa.
Magiging pabor ito sa mga estudyante at mga empleyado na hindi na maiipit sa traffic at sa mga manggagawa na nais makiisa sa isasagawang protesta.
Sa kabilang banda, nagpaalala naman si de Vera na dapat balansehin din ang pagdedeklara ng holiday dahil kung magiging madalas ito ay makakasira ito sa ekonomiya at kabuhayan ng publiko.