Mga Pasahero Ligtas, BUS sa Quezon Province, Nalubog sa Baha – HINDI NAHULOG

Maraming mga sasakyan at pasahero ang na-stranded sa parteng Quezon province sanhi ng pag-ulan, pagkatumba ng poste sa Maharlika High-Way at pagbaha sa mga kalsada sa Atimonan, Pitogo, at karatig lugar.

Isang DLTB bus ang napabalitang tinangay ng malakas na daloy ng tubig patungo sa ilog subalit nasangga naman ito ng puno ng niyog at punong narra. HINDI ITO NAHULOG, taliwas sa unang ibinalita ng iba, hindi sa RMN DWNX.

Sa panayam kay DLTB Operations Manager Lorena Gaay Bautista, nilinaw niya na hinidi nahulog at walang nahulog na bus. Ang nasabing bus ay nalubog lamang sa tubig-baha sanhi para umakyat sa bubungan ng bus ang mga pasahero para manatiling ligtas.


Ayon pa kay Bautista, patuloy ang kanilang pag-monitor sa sitwasyon at pag-coordinate sa kanilang driver para hands-on sa makatotohanang impormasyon kaugnay ng mga kaganapan.

Sa pinakahuling panayam ng RMN DWNX Naga kay Bautista, isang good news ang kanyang ipinaabot nang ipahayag nitong na rescue na ng isa pang DLTB Bus ang 25 na mga pasahero at sa mga panahong ito ay nagbibiyahe na patungong Camarines Sur. Idinagdag pa niya na may instruction na sila sa driver at conductor ng bus na asikasuhin ang pangangailangan sa pagkain at pananamit ng mga pasaherong apektado.

Nagpasalamat din si Bautista sa mabilis na pagresponde ng mga kasundaluhan at kapulisan sa Quezon upang matulungan ang mga na-stranded sa biglang pagtaas ng tubig sa mga kalsada ng mga nasabing bayan sa Quezon.

Sa panayam naman ng RMN Manila, kinumpirma ng PNP Quezon na walang nahulog na bus, kundi nalubog lamang sa tubig-baha at nakatutok sila ngayon kasama ang mga tropa ng Philippine Army at nakahanda para saklolohan at magsagawa ng rescue operation anumang oras na may pangangailangan.

Samantala, ipinahayag naman ni Roland Raymond Roldan, isa sa mga pasahero ng ALPS Bus papuntang Maynila, na naabala rin ang kanilang paglakbay dahil sa hindi inaasahang biglaang pagtaas ng tubig sa mga kalsada sa bayan ng Pitogo at karatig lugar. Sa kanyang mga larawang kuha, meron pang bahay na nahulog dahil sa landslide sanhi na rin ng patuloy na pag-ulan kanina at pagbaha. Sa kanyang post, tumahak na lang pabalik ng Naga ang kanilang sinasakyang bus pero patigil-tigil dahil sa isinasagawang clearing operations.
Photo credits: fbphotosofrolandraymondroldan & fbphotosoftitusaguirre



Facebook Comments