Wednesday, March 18, 2026

Mga pasahero, nakisimpatiya sa mga jeepney driver matapos bawiin ni PBBM ang dagdag-pasahe

Nakaramdam ng awa ang mga pasahero sa mga tsuper ng jeep matapos bawiin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang taas-pasahe sa lahat ng pampublikong transportasyon.

Nakausap ng DZXL News ang ilang nag-aantay ng masasakyang jeep sa bahagi ng Elliptical Road sa Quezon City.

Ayon kay Ginang Ema Seguritan, bagama’t pabor siya bilang pasahero sa desisyon ng pangulo, nakikisimpatiya rin siya sa mga jeepney driver.

Aniya, kung siya ang tatanungin, hindi malaking bagay kung ibigay ang hirit na piso o dalawang piso na dagdag ng mga driver dahil ramdam na sobrang mahal na ang bilihin at bayarin sa gastusin.

Ganito rin ang pahayag ni Jong, na naniniwalang malaking tulong sana ang dagdag na pisong pasahe para sa mga jeepney driver.

Ayon naman kay Althea, panahon na rin upang itaas ang sahod dahil pareho namang nahihirapan ang mga driver at commuters.

Facebook Comments