Mahigpit na binabantayan ngayon ng Philippine National Police Highway Patrol Group (PNP-HPG) ang mga pasahero sa mga public transport katulad ng bus, shuttle at Public Utility Jeepneys (PUJs) na bumabyahe sa Metro Manila.
Ito ay matapos na obligahin na ng gobyerno ang pagsusuot ng face shield sa mga pasahero na sumasakay ng pampublikong sasakyan.
Ayon kay Col. Wilson Doromal, Region Field Office Commander ng PNP-HPG, nag-deploy na sila ng mga tauhan sa EDSA partikular sa mga bus lane para mainspeksyon ang lahat ng sakay ng bus kung nakasuot ng face shield.
Agad daw nila tinitingnan kung ang konduktor at driver ay naka-face shield bago ang mga sakay na pasahero.
Iniinspeksyon din ng mga taga-HPG ang mga sakay ng shuttle lalo na at hndi agad napapansin ang mga sakay nito.
Sinabi ni Doromal na mangilan-ngilan lang ang mga sumusuway kaya mahigpit ang bilin nila sa mga konduktor na huwag magpapasakay ng pasahero nang walang face shield.
Very good naman daw ang mga bumabyaheng pampasaherong jeep dahil lahat ng kanilang nainspeksyon ay sumusunod sa pagsusuot ng face shield.
Panawagan ni Doromal sa commuters, sumunod na lamang sa mga ipinatutupad ng gobyerno para makaiwas na mahawaan ng COVID-19.