Tutulong na rin ang Philippine Ports Authority at Philippine Coast Guard sa mga lugar na apektado ng Magnitude 6.6 na lindol sa Mindanao.
Ayon kay Transportation Secretary Arthur Tugade, dapat magkaisa ang mga ahensya ng gobyerno para makapagbigay ng tulong sa mga apektadong residente sa rehiyon para sa mabilis na rehabilitasyon ng mga nasirang ari-arian.
Nabatid na agad nagbaba ng direktiba si PPA General Manager Jay Santiago sa lahat ng Project Management Office (PMO) na makipag-ugnayan sa mga Local Government Unit, Local Department of Social Welfare and Development at Local Disaster Risk Reduction Management Offices para umasiste sa Disaster Management Efforts.
Habang ipinakalat na rin si Coast Guard Commandant Vice Admiral Joel Garcia ang lahat ng kanilang asset sa Davao City, Davao Del Sur at Cotabato.
Maliban dito, mayroon ding nakahandang PCG K9 Search and Rescue Dogs para magsilbing lookout sa mga nawawalang tao.
Nakahanda rin ang kaniyang PCG Auxiliary para maghatid ng tulong-medikal sa mga nasugatang biktima.
Maging sa Department of Labor and Employment ay nagpakalat na rin ng team na mag-iinspeksyon sa ilang establisimiyento sa Mindanao.
Sa inilabas na pahayag, sinabi ni Labor Secretary Silvestre Bello III na susuriin ng kanilang mga tauhan kung nakasunod ang mga gusali sa occupational at health standards.
Maglalaan din aniya ng pondo para makapagbigay ng employment at livelihood assistance sa mga apektadong manggagawa.