
Pumalo na sa halos 900,000 ang bilang ng mga pasaherong gumamit ng Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX), ang pinakamalaking landport sa bansa.
Base ito sa inilabas na datos simula noong March 22 hanggang March 26.
Ayon kay PITX Corporate Affairs Officer Kolyn Calbasa, nasa kabuuang 891,051 na ang mga commuter na dumaan sa terminal.
Na-monitor nila ang pagdami ng commuter nitong March 24 matapos umabot ang foot count sa 185,635 na pasahero.
Sa ngayon, pumalo na sa halos 18,000 as of alas-6:00 ng umaga ang mga pasaherong gumamit ng terminal.
Halos fully booked naman na ang ilang biyahe pa-Bicol simula March 26 hanggang April 1.
Pero may mga available pa rin na biyahe lalo pa’t mino-monitor ng pamunuan ng terminal na may sapat na bibiyahe ngayong Holy Week exodus.










