Nagpaalala ang ilang local carriers na hindi prayoridad sa kanilang pagbabalik-operasyon ang leisure travel o ang mga pasaherong magliliwaliw lamang sa mga probinsya.
Ayon sa Cebu Pacific, alinsunod sa panuntunan ng gobyerno, ang prayoridad nila sa kanilang muling pagbubukas ng biyahe ay ang mga stranded na pasahero at Overseas Filipino Workers (OFWs) na uuwi sa kanilang mga probinsya matapos makumpleto ang kanilang quarantine period sa Metro Manila.
Kasama rin anila sa prayoridad ng kanilang domestic flights ngayon ang mga pasahero na tutungo sa mga lalawigan bilang bahagi ng kanilang trabaho.
Muli namang nagpaalala ang Cebu Pacific sa mga pasahero na magtungo sa paliparan tatlong oras bago ang kanilang flights dahil isang oras bago ang departure ay isasara ang check-in counters.
Ngayong araw, prayoridad ng Cebu Pacific ang mga pasahero na patungo ng General Santos City, Naga at Cagayan de Oro, gayundin ang pabalik ng Maynila mula sa naturang mga destinasyon.