Patuloy pa rin ang pagdating ng mga pasahero pauwi ng probinsya sa mga bus terminal sa Cubao, Quezon City.
Kapansin-pansin na sa Five-Star bus terminal, abot hanggang kalsada na ang pila ng mga pasaherong hahabol makauwi sa kanilang mga probinsya ngayong Pasko.
Pinagsama-sama na rin kasi rito ang ilang mga bus company na biyaheng Hilagang Luzon partikular na ang biyaheng Pampanga, Bataan, Tuguegarao, Nueva Ecija, Nueva Viszacaya, Quirino, Isabela at Pangasinan.
Karamihan sa mga kababayan natin dito ay sinamantala na ang long weekend holiday lalo pa’t in-extend ni Pangulong Bongbong Marcos ang holiday hanggang Lunes para makasama ang kanilang pamilya sa probinsya.
Isa naman sa mga nakikitang dahilan ng mga tauhan ng bus terminal sa pagdagsa ng mga pasahero ay mas maluwag na ang pagbiyahe ngayon kung ikukumpara nitong mga nakalipas na taon dahil sa pandemya.
Dati kasi ay limitado lamang ang biyahe at marami pang mga dokumento ang hinihingi bago ka pasakayin ng bus.
Sa ngayon ay tuloy-tuloy naman ang dating ng mga bus sa terminal pero nagkakaroon pa rin ng delay sa dating ng ilang bus mula sa probinsya dahil sa matinding trapik.